By: Ma. Kristine C. Yuzon, SAMAHAN Communications

Naging mainit na usapan sa industriya ng media at social networking ang pag-apruba ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino sa tinaguriang “Cyber Crime Prevention Act of 2012″ o RA 10175. Samutsaring reaksyon at komento ang nagsilabasan patungkol sa nasabing batas dahil di umano’y magsisimula ng E-Martial Law.

Hindi lamang ang mga mamahayag, manunulat at mga kritiko ang nag-ingay para bawiin ni PNoy ang batas ngunit pati na rin ang mga pangkaraniwang mga tao na gumagamit ng mga social networking sites kagaya ng Facebook at Twitter, mga sumusulat ng blog, at mga estudyante sa iba’t ibang institusyon . Dahil dito, naglunsad ang SAMAHAN Central Board ng Ateneo de Davao University ng isang aktibidad noong Oktubre 5, 2012 na tinawag na, “Cyber Crime Law: Like or Unlike?” na tumalakay sa konsepto ng batas na ito at ano ang mga maaaring epekto nito sa kabuuang sistema ng pamamahayag.

Naimbitahan sa naturang usapan si Atty. Glocelito Jayma ng United Philippine Lawyers of Mindanao na nagsalita tungkol sa batas at mga probisyon nito, mga posibleng sitwasyon na maaari kang makasuhan sa ilalim ng batas na ito at mga kaparusahan kung napatunayang may pagkakasala ka. Nandoon din ang ilang mga taong na rumirepresenta sa kanilang mga kanya-kanyang sektor para mapakinggan ang kanilang mga opinyon paukol sa naturang kontrobersyal na isyu. Ilan sa kanila ay sina Maximo Solis ng One Radio Station para sa sektor ng Media, si Niel Lopez bilang Regional Coordinator ng Kabataan Partylist, si Dominique Cimafranca blogger at guro sa Computer Studies Department ng Ateneo, at si Sheena Duazo representante ng BAYAN-SMR.

Ayon kay Jayma, kung buhay lang si Jose Rizal ngayon, siguradong isa siya sa mga taong babatikos at magpapahayag ng saloobin ukol sa naturang RA 10175. Binigyan niya ng importansya ang paglabag nito sa Konstitusyon ng Pilipinas, lalung-lalo na sa freedom of speech, right to privacy, right to due process of law, illegal searches and seizures, at double jeopardy. Isa sa mga pinagtuunan ng pansin ay ang probisyon tungkol sa libelo, na umano’y sadyang isiningit ni Sen. Tito Sotto matapos mabatikos sa kanyang kontrobersyal na talumpati hinggil sa RH Bill. Maliban sa probisyon ng libelo, binatikos din ni Jayma ang kaparusahan ng naturang batas kagaya ng pagkakakulong ng labin-dalawang taon at pagbayad ng multa na umaabot mula dalawang daang libong hanggang limang daang libong piso.

Matapos nang input ni Jayma, nagpahayag ang mga representante ng iba’t ibang sektor ng kanilang oposisyon. Ayon kay Lopez, “Nakakaalarma para sa ating mga kabataan ito dahil nilalabag nito ang malayang pamamahayag.” Habang nagbigay naman ng apat na punto si Solis na nagsasaad kung bakit hindi siya sang-ayon sa Cyber Crime Law: (1) Kahit sinong tao na magsulat ng kahit ano sa isang website o social networking site ay maaaring makasuhan at makulong; (2) Ang kaparusahan ng online libel  ay pagkakakulong ng labin-dalawang taon habang ang normal na kaso ng libelo ay umaabot lamang ng apat na taon at dalawang buwan; (3) Maaaring gamitin ng kahit sino mang tao ang mga sinulat mo sa isang website o social networking site kagaya ng Facebook at Twitter laban sa iyo, kahit ito ay komento lamang sa orihinal na sulat; (4) at ang simpleng pag-like o share o retweet ay maaari nang basehan para makasuhan ka at makulong sa ilalim ng nasabing batas.  Sinabi naman ni Duazo na kinakabit na sa online martial law o E-martial law ang pag-apruba nitong batas, na nagbibigay kapangyarihan sa administrasyon na diktahan ang media kung anong mga impormasyon ang ilalabas at isasapubliko. Habang binigyan ng importansiya ni Cimafranca ang maaaring paglabag ng batas sa right to privacy ng mga Pilipino at pati ang pagkumpiska sa mga laptop at computer na walang warant.

Bago natapos ang aktibiti ay nabigyan ng pagkakataon ang mga studyante at mga taong dumalo para magtanong at maglabas ng opinyon hinggil sa isyu. Ayon kay Kariz Tajanlangit, estudyante ng BS-Accountancy, na “dapat maging responsable tayo sa mga sinusulat natin at pinapalaganap sa internet.” Nagpahayag naman si Nitish Khemani, alumnus, na interesado lamang ang gobyerno sa iilang mga tao sa kanilang probisyon ng libelo. Iilang estudyante pa ang nagtanong kung aling mga aspeto ng internet ang maaaring magbago ngayong naaprubahan na ang batas.

Naghahangad ang SAMAHAN Central Board na mas naintindihan at napalawak ang kaalaman at ideya ng mga Atenista hinggil sa Cyber Crime Law.